Balita

Hustisya para kay Jennifer Laude, patuloy na ipinananawagan

Nagrali ang mga grupo ng LGBTQ+ at kabataan sa Baguio City at Quezon City noong Oktubre 11 para muling ipanawagan ang hustisya para kay Jennifer Laude.

Nagrali ang mga grupo ng LGBTQ+ at kabataan sa Baguio City at Quezon City noong Oktubre 11 para muling ipanawagan ang hustisya para kay Jennifer Laude. Siyam na taon na mula nang paslangin si Laude ngunit wala pa ring nakakamit na makabuluhang hustisya ang pamilya ng biktima. Pinangunahan ang pagkilos ng grupong Bahaghari.

Si Laude ay pinaslang ng tauhan ng US Marine na si Joseph Scott Pemberton sa Olongapo City noong Oktubre 11, 2014. Si Pemberton ay nasa Pilipinas noon bilang kalahok sa isang war game na inilunsad sa ilalim ng Visiting Forces Agreement sa pagitan ng Pilipinas at US.

Kahit nahatulan si Pemberton sa pinababang kaso na “homicide,” hindi siya nakulong sa Pilipinas o naipailalim man lamang sa kustodiya ng gubyerno ng Pilipinas. Ito ay dahil alinsunod sa VFA, ang US ang pangunahing awtoridad na magtatakda sa kanyang pagkakabilanggo, kahit pa nahatulan siya ng korteng Pilipino. Mas malala, noong 2020, pinagkalooban ng dating rehimeng Duterte ng “absolute pardon” ang kriminal na si Pemberton at nakabalik sa US.

Bilang panawagan ng hustisya, nagtirik ng kandila ang mga estudyante ng University of the Philippines sa kanilang kampus sa Diliman at Baguio. Giit nila, dapat alalahanin si Laude, tutulan ang panghihimasok ng US sa Pilipinas at kagyat na ibasura ang VFA at Enhanced Defense Cooperation Agreement na yumuyurak sa soberanya ng bansa.

Ayon sa mga grupo, ang kaso ni Laude ay salamin ng laganap na kultura ng karahasan laban sa mga myembro ng LGBTQ+. Nag-alay sila ng mga talumpati at pangkulturang pagtatanghal para gunitain ang buhay ni Laude. Nangako silang ipagpapatuloy ang mga pagsisikap para kamtin ang hustisya sa lahat ng biktima ng karahasang nakabatay sa kasarian.

Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

8 + nineteen =

Most Popular

Copyright © 2022 Inside Gapo

To Top