Kwento

Ang mga kasaysayan at alamat ng GAPO

Kasaysayan ng Gapo

Makulay ang kasaysayan ng Olongapo at ang lipunan nito. Hinubog ang mga mamamayan ng Olongapo sa karanasan ng kolonisasyon, pakikipaglaban sa kasarinlan, magagaling na lider, pagputok ng bulkan, paglisan ng base nabalng Amerikano at mga trabaho, pagkaka-isa, pagkukusa at pagmamalasakit sa bayan na sa kasalukuyan ay gumagatong sa pag-unlad nito.

Ayon sa Kasaysayan

Tuwing unang araw ng Hunyo, inaalala ng Olongapo ang pagkaka-hirang nito bilang lungsod. Magandang balikan ang kasaysayan ng Olongapo upang pahalagahan natin kung ano ang mayroon tayo sa kasalukuyan at ano pa ang magagawa natin sa hinaharap.

Hindi naging madali para sa isang lugar ang makuha ang pagkasarinlan nito lalo pa’t naging kanlungan ito ng mga dayuhan sa matagal na panahon. Ito ang naging karanasan ng Olongapo na dumaan sa matagal at masalimuot na proseso para maging malaya, at taguriang isang lungsod.

Ang Subic Bay na parte ng Olongapo ay ginamit na mga Espanyol at mga Amerikano bilang Naval port sa matagal na panahon. Nang makamit ang kalayaan ng Pilipinas noong 1946, ang Olongapo ay nanatili bilang US Naval Base. Sa RP-US Military Bases Agreement noong 1947, binigyang karapatan ang US na manatili ng 99 taon at gawing US Naval Base ang parte ng Olongapo at Subic.

Noong 1959, matapos ang mga negosasyon sa pagitan ng Amerika at Pilipinas, ay ibinalik ang Olongapo sa pamahalaang Pilipino at naging isang munisipalidad ng Zambales.

Noong 1963, si James L. Gordon Sr. ang naging kauna-unahang halal na Mayor ng Olongapo. Sa kanyang matiyagang pagsisikap, noong Hunyo 1, 1966 inaprubahan ang Republic Act 4645, ang batas na nagtalaga sa Olongapo bilang isang lungsod. Kasabay nito ay ang Ramos-Rusk Agreement na nagpaikli ng pananatili ng base nabal ng mga Amerikano.

Makulay ang kasaysayan ng Olongapo at ang lipunan nito. Hinubog ang mga mamamayan ng Olongapo sa karanasan ng kolonisasyon, pakikipaglaban sa kasarinlan, magagaling na lider, pagputok ng bulkan, paglisan ng base nabalng Amerikano at mga trabaho, pagkaka-isa, pagkukusa at pagmamalasakit sa bayan na sa kasalukuyan ay gumagatong sa pag-unlad nito.

source: http://subicbaynews.blogspot.com/2007/06/isang-pagsilip-sa-kasaysayan-ng.html

Ayon sa Alamat

Noong araw ay may isang binatang mag-isang namumuhay sa malawak niyang bukirin. Marami ang tumutulong sa kanya gaya rin ng pagtulong niya sa kapwa. Kinagigiliwan siya at iginagalang ng mga kabataan. Katunayan ay tinatawag siyang Apo ng mga ito. Ang tunay niyang pangalan ay Dodong.

Hindi kalayuan sa lupain ni Dodong ay may nakatirang isang dalagang mayumi at maganda. Mahaba at mabango ang kanyang buhok. Marami ang nabibighani sa kagandahan ni Perla. Matagal na silang magkakilala ngunit walang puwang sa puso ng binata si Perla dahil na rin sa agwat ng kanilang edad.

Lumipat ng tirahan sina Perla at ang kanyang mga magulang. Hindi rin sila nagkikita ni Dodong.

Isang hapon, hindi sinasadyang nakasalubong sina Dodong at Perla. Noon lang napansin ng lalaki ang iwing ganda ng babae. Binati ni Dodong si Perla at inalok na ihatid ang dalaga. Pinaunlakan naman siya ni Perla.

“Tatang, narito po si Apo. Dadalaw po siya sa inyo ni Nanang,” ang masayang bungad ni Perla pagsapit sa kanila.

“Aba, Dodong! Mabuti naman at napasyal ka rito sa amin,” ang masayang bati ng ama ni Perla.

“Kumusta po kayo? Nahihiya po ako at hindi na ako nakatulong sa bayanihan dito sa inyo,” magalang na tugon ni Dudong.

“Naku, eh, huwag mong alalahanin iyon. Alam kong solo kang namumuhay at iniuukol mo sa bukid ang iyong panahon. Pasabihan mo na lang kami kung kailangan mo naman ng tulong sa iyong bukid,” ang amuki ng tatang ni Perla.

“Marami pong salamat. Hayaan po ninyo at tuwing Sabado ay dadalaw ako para makatulong din ako sa inyo,” tugon ng binata.

Simula noon ay madalas nang nagkikita sina Dodong at Perla. Naging daan iyon upang magkalapit ang kanilang damdamin. Hindi naman ito pinigilan ng mga magulang ng dalaga dahil gusto nila si Dodong para sa anak.

Minsan, isang malaking bangka ang dumaong sa may baybay-dagat. Lulan nito ay mga lasing na Kastila. Nakita nila si Perla. Tinanong nila ang dalaga. Hindi naintindihan ni Perla ang salita ng lasing ng Kastila kaya ngumiti na lang siya. Akala ng Kastila ay pumayag si Perla sa gusto nito kaya niyapos at hinalikan ang dalaga. Sumigaw si Perla at humingi ng saklolo.

May mga tumawag kay Apo at ibinalita ang pambabastos kay Perla. Nagdilim ang paningin ni Dodong. Sinugod niya ang mga Kastila at walang patumanggang nilabanan ang mga ito. Sa kasamaang palad ay napatay si Dodong. Upang huwag pamarisan ay pinutulan nila ng ulo si Dodong. Isinabit nila ang ulo nito sa isang tulos ng kawayan.

“Ulo ng Apo! Ulo ng Apo!” ang sigawan ng mga bata.
Akala ng mga Kastila ay Ulo ng Apo ang pangalan ng pook na iyon. Sa kauulit ng salitang “Ulo ng Apo,” naging Olongapo ito. Magmula noon ang pook na iyon ay tinawag nilang Olongapo, ang pinakapusod at pinakamakulay na bahagi ng Zambales.

source: http://pinoy-alamat.blogspot.com/2009/09/alamat-ng-olongapo.html

Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

14 + sixteen =

Most Popular

Copyright © 2022 Inside Gapo

To Top